CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang kawani ng pamahalaang lokal ng San Isidro, Isabela matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa harapan ng isang pribadong ospital sa Ipil, Echague, Isabela.
Ang biktima ay si Kendrick Pera, 29-anyos, law student, kawani ng LGU San Isidro at residente ng Camarag, San Isidro, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan magbabayad lamang sana ng hospital bill ang biktima dahil kapapanganak ng kanyang asawa sa isang pribadong pagamutan ngunit sa pintuan pa lamang ng ospital ay pinagbabaril na siya ng gunman.
Matapos ang pamamaril ay umangkas ang gunman na nakasuot ng kulay itim na t-shirt at itim na sling bag sa kulay itim na wave motorcycle na minamaneho ng lalaking nakasuot ng itim na sweat shirt at nagtungo sa hilagang direksyon.
Sinabi ng guwardya na nasa harapan ng ospital na maging siya ay natakot dahil wala siyang gamit na baril sa oras na naganap ang pamamaril.
Ayon sa mga kamag-anak ni Pera, wala silang alam na kaalitan ng biktima dahil nag-aaral siya at nagmomotorsiklo lamang sa pagpasok at pag-uwi.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng Echague Police Station para matukoy ang suspek at motibo sa pagpatay kay Pera.