--Ads--

CAUAYAN CITY – Kakulangan umano ng mga tauhan ang dahilan kaya hindi naaaksyunan ng City Veterenary Office ang mga pagala-galang hayop sa mga pambansang lansangan sa Cauayan City na maaaring magdulot ng aksidente sa kalsada.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao sinabi niya na wala talagang kakayahan ang kanilang tanggapan na manghuli ng mga galang baka dahil sa kakulangan ng mga tauhan na madalas ay hindi mula sa Lunsod ng Cauayan.

Sa ngayon ang magagawa nila ay makipag-ugnayan sa mga kinauukulang barangay o bayan para sa monitoring.

Madalas aniyang namamataan ang mga galang baka sa Cabatuan Road.

--Ads--

Muling nagpaalala si Dr. Dalauidao na may umiiral na ordinansa sa Lunsod ng Cauayan na nagbabawal sa mga pagala-galang hayop na may multang isang libong piso sa may-ari ng mga ito.

Una nang idinulog sa Bombo Radyo Cauayan ng isang truck driver ang pagala-galang mga baka sa kalsada sa bahagi ng Barangay District 1.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronnie VIllanueva,  residente ng Alicia, Isabela sinabi niya na may pagkakataong natutulog ang nasa anim hanggang pitong baka sa kanilang garahe sa harapan ng isang planta sa barangay District 1.

May mga pagkakataon na bigla na lamang tumatawid sa kalsada ang mga baka.

Nais sana niyang ipanawagan sa  Barangay Kapitan ng District 1 na maaksyunan ito dahil maaaring magdulot ng aksidente sa lansangan ang mga pagala-galang hayop lalo na sa mga gumagamit lamang ng motorsiklo.

Tinig ni Dr. Ronald Dalauidao.