CAUAYAN CITY – Bumuhos ang mga pagbati kay Engineer Roldan Maximo ng Jones, Isabela na number 6 sa Agricultural and Biosystems Engineering Licensure Examination.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engineer Maximo na hindi pa rin siya makapaniwala sa resulta ng exam dahil nilalagnat siya noong kumuha siya ng pagsusulit.
Ang ipinagdasal niya matapos ang exam ay makapasa ngunit labis siyang nagpapasalamat sa Diyos na binigyan siya ng bonus.
Isang taon aniya na naantala ang pagkuha nila ng exam dahil hindi sila nakaabot na magregister sa Professional Regulation Commission (PRC) noong nakaraang taon dahil Agosto ang deadline habang ang kanilang graduation ay buwan pa ng Oktubre.
Matapos lumabas ang resulta ng exam ay uuwi siya sa kanilang bahay sa Jones, Isabela.
Inialay niya ang kanyang tagumpay sa kanyang nanay, mga kapatid at sa kanyang kasintahan na todo ang suporta sa kanya.
Payo niya sa kumukuha ng exam na magtiwala sa Poong Maykapal at magkaroon ng disiplina sa pagre-review.