--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki na kalaguyo umano ng isang misis sa Quezon, Nueva Vizcaya matapos na siya ay pagbabarilin.

Nakatayo ang biktima sa labas ng kanilang bahay nang may dumating na motorsiklo sakay ang tatlong kalalakihan at bigla na lamang siyang binaril.

Agad na tumakas ang mga pinaghihinalaan pagkatapos ng pamamaril.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Benjamin Pagapa Jr., hepe ng Quezon Police Station na ang kapulisan ang nagdala sa pagamutan sa biktima na may tama ng baril sa dibdib.

--Ads--

Batay sa live-in partner ng biktima, ang suspek ay ang kanyang asawa.

Pinuntahan nila ang tirahan ng kanyang asawa na sinabi nito subalit wala ito sa kanyang bahay pero may nakuha silang impormasyon na pupunta umano ito sa bayan ng Ambaguio.

Nagsagawa sila ng operasyon at nakita naman ang suspek.

Sinita nila ito at tiningnan ang kanyang ID at nang mapag-alaman na siya ang kanilang pinaghahanap ay inaresto na siya.

Hindi naman aniya ito lumaban at kusang sumama sa kapulisan.

Ayon kay PMaj. Pagapa, hinihinalang improvised na baril ang ginamit ng suspek pero hindi pa matiyak kung anong klaseng baril dahil itinapon umano nito sa ilog ang baril kaya hanggang ngayon ay hinahanap pa ito.

Hinihinala namang bala ng cal. 38 ang tumama sa biktima.

Sinabi pa ni PMaj. Pagapa na mag-iisang taon nang nagsasama ang biktima at ang asawa ng suspek at tumira sila sa medyo liblib na lugar sa Quezon.

Wala naman aniyang legal separation ang suspek at ang live-in partner ng biktima at may tatlo silang anak habang ang biktima ay mayroon ding asawa na nasa abroad at mayroon silang isang anak.

Paalala nila sa mga may kahalintulad na problema na lumapit sa mga kinaukulan para maidaan sa tama at huwag ilagay sa sariling kamay ang batas.

Tinig ni PMaj. Benjamin Pagapa Jr.