CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang menor de edad matapos na maaksidente at bumangga sa steel barrier ang kinalululanan nilang motorsiklo sa Roxas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ardee Tion, hepe ng Roxas Police Station, sinabi niya na ang mga nasawi ay kapwa estudyante at residente ng San Mateo, Quirino, Isabela.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, galing sa inuman sa City of Ilagan ang mga binatilyo at nagtungo sa bayan ng Roxas para kumain ng lugaw at pauwi na nang maganap ang aksidente.
Unang idineklarang dead on arival sa pagamutan ang 15-anyos na rider habang hindi na umabot ng buhay sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ang 17-anyos na angkas nito.
Batay sa mga nakasaksi sa aksidente, mabilis ang patakbo ng mga binatilyo at may mga kasamang nakamotor din at tila nagkarerahan na naging sanhi para sumalpok sila sa steel barrier na nasa kalsada.
Ito ang unang pagkakataon na nakapagtala sila ng ganitong aksidente na kinasangkutan ng mga menor de edad na kapwa binawian ng buhay.
Tinig ni PMaj. Ardee Tion.