CAUAYAN CITY – Binuksan ngayong araw ng pamunuan ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ) ang kanilang kadiwa program bilang tulong sa mga mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na ang pagpapatupad nila ng Kadiwa program ay utos ng NIA Central Office.
Nagsama-sama ang limang division office ng NIA-MARIIS upang magbenta ng kanilang produkto sa mas murang halaga.
Kabilang sa mga ibinebenta ay mga gulay, karne, isda, itlog, bigas at iba pa na mas mababa ang halaga kung bibilhin sa palengke.
Halimbawa dito ay ang isang kilo ng karneng baboy na ibinebenta ng 270 pesos kada kilo samantalang sa palengke ay nagkakahalaga ito ng 280 hanggang 300 pesos.
Ang premium rice naman na nakasako ng tig-25 kilo ay nagkakahalaga lamang ng 1200 pesos na ibinebenta sa palengke ng aabot sa 1,300 hanggang 1,500 pesos
Ayon kay Engr. Dimoloy, plano nilang isagawa sa kanilang opisina sa Cauayan City ang Kadiwa Program isang araw bawat linggo gayundin sa division ng NIA.