CAUAYAN CITY – Nasampahan na ng kaso ang suspek na nanaksak-patay sa sarili nitong kapatid sa Annafunan, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Nativdad, hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na ang pinaghihinalaan ay si Felix Damian, 46-anyos habang ang biktima ay ang nakababata nitong kapatid na si Jun Damian, may asawa, kapwa laborer at residente ng naturang barangay.
Batay sa pagsisiyasat ng Echague Police Station, nagkaroon ng inuman ang mga magpipinsan dahil ginugunita nila ang 40 days na pagkamatay ng ama ng magkapatid.
Biglang dumating sa inuman ang nakatatandang Damian at sinubukang sirain ang sasakyan ng yumaong ama sanhi para magtalo silang magkapatid.
Naawat sila ng kanilang mga kamag-anak at umuwi naman ang pinaghihinalaan.
Pagbalik nito ay may bitbit na itong kitchen knife na ginamit para saksakin ang nakababatang kapatid sa dibdib.
Agad namang nadala sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ng buhay.
Batay sa talaan ng PNP Echague, ito na ang ikalawang insidente ng pananaksak sa kanilang nasasakupan kaya muli silang nagpaalala sa publiko na huwag idaan sa init ng ulo ang mga argumento sa halip ay pag-usapan ito ng maayos.
Hindi rin dapat magsimula ng argumento kung nasa impluwensya na ng alak dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit nauuwi sa pananaksak ang mga hindi pagkakaunawaan na kalaunan ay nauuwi sa pagkasawi ng biktima.
Tinig ni PMaj. Rogelio Nativdad.