
CAUAYAN CITY – Nasa limang daan at labing anim na pamilya sa San Mariano, Isabela ang inaasahang makikinabang sa pilot implementation ng food stamp program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Chief Pasencia Ancheta ng Promotive Services Division ng DSWD Region 2, sinabi niya napili ang nasabing mga pamilya sa pamamagitan ng listahanan o listahan ng mga mahihirap na pamilya noong 2019 hanggang 2021.
Inaasahang makakatanggap naman ang mga nasabing pamilya ng tatlong libong piso bawat buwan na ipapadaan sa ATM cash Card o Electronic benefit transfer card.
Gayunman, hindi ito maaaring magamit sa ibang bagay sa halip ay para sa pagkain lamang at kailangang masustansiya din ang mga pagkaing bibilhin ng mga benipisiyaryo.
Ayon pa kay Ancheta, ang bayan ng San Mariano ang isa lamang sa limang lugar sa bansa na magkakaroon ng pilot implementation ng food stamp program at ang iba pang lugar ay sa National Capital Region, Camarines Sur, Negros Occidental, at Caraga.










