
CAUAYAN CITY – Lumikas ang anim na pamilya sa bayan ng Itbayat dahil sa bagyong Jenny.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Roldan Esdicul na lumikas ang anim na pamilya o dalawampong indibiduwal sa bayan ng Itbayat at sumilong sa kanilang mga kamag-anak.
Lumikas aniya ang mga ito dahil hindi ganoon katibay ang kanilang bahay.
Inaasahan namang mabibigyan ang mga ito ng tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay PDRRM Officer Esdicul, naramdaman sa Batanes ang malakas na hangin at pag-ulan lalo na noong araw ng Miyerkules kung kailan pinakamalapit sa probinsya ang bagyong Jenny.
Wala naman silang naitala na hindi kanais-nais na pangyayari maliban sa mga pagguho ng lupa sa mga gilid ng kalsada pero agad naman itong naclear ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Ngayong araw ay nakatakda naman silang magsagawa ng rapid assessment para sa naging epekto ng bagyo sa kanilang lalawigan.










