
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang pugante matapos makipagbarilan sa kapulisan sa Ditumabo, bayan ng San Luis, Aurora.
Ang nasawi ay si Godwindel Sardea, dalawampu’t limang taong gulang at residente ng Nonong Sr., San Luis, Aurora.
Si Sardea ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 at Republic 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act at nakakulong sa Aurora Provincial Jail subalit nakatakas noong ikadalawampu’t walo ng Hulyo ng kasalukuyang taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Donnafe Galban, Public Information Officer ng Aurora Police Provincial Office sinabi nito na suspek din si Sardea sa isang pagpatay sa Brgy. Nonong Sr. noong Setyembre ngayong taon dahilan kaya siya ay itinuring na armed and dangerous ng pulisya.
Noong Miyerkules ng umaga nang matunton ang kanyang kinaroroonan sa isang core house sa Ditumabo, San Luis at sinubukan ng pulisya na pasukuin ng maayos subalit nanlaban umano ito gamit ang kanyang kalibre kuwarenta’y singkong baril.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkasawi nito.
Ayon kay PMaj. Galban, posibleng itinago din ng kanyang mga kamag-anak ang suspek dahil bahay ng isa sa kanyang kamag-anak ang kanyang tinitirhan.










