
CAUAYAN CITY – Selos ang nakikitang dahilan ng pananaga ng isang pintor sa isang helper sa Barangay Masoc, Bayombong.
Magugunitang, nasugatan si Rodel Casino Jr., tatlumput isang taong gulang, may asawa, helper at residente ng naturang barangay matapos na bigla na lamang siyang habulin at pagtatagain ng pinaghihinalaan na si Marciano Corpuz Jr., tatlumput siyam na taong gulang, may asawa, pintor at residente rin ng naturang Barangay habang siya ay naglalakad patungo sa isang tindahan.
Sinubukang umawat ng mga kapitbahay ng pinaghihinalaan subali ibinunton nito ang kanyang galit kay Manny Cariño, apatnapu’t tatlong taong gulang, tsuper at residente rin ng Barangay Masoc ngunit nakailag ito at nakatakbo.
Inatake rin ng pinaghihinalaan ang mga pulis na rumesponde at sinabihan ang mga ito na umalis gayunman ay naaresto rin siya kalaunan at nakuha sa kanya ang itak na kanyang ginamit sa pananaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Manny Pawid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO na batay sa pagsisiyasat ng Bayombong Police Station, selos ang nakikitang motibo sa pananaga dahil sa naghihinala ang suspek na niloloko siya ng kanyang asawa.
Gayunman ay nadamay lang aniya ang biktima sa galit ng pinaghihinalaan.
Magkakakilala rin aniya ang mga sangkot.










