
CAUAYAN CITY – Nababahala na ang ilang opisyal ng barangay dahil sa paglipana ng mga magnanakaw.
Ito ay matapos maitala ang sunod sunod na insidente ng pagnanakaw sa iba’t ibang barangay sa West Tabacal at forest region ng lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Saturnino Aggarao jr. ng barangay Minante Dos sinabi niya na matapos ang insidente ng pagnanakaw ng aning palay sa barangay maligaya ay nagbigay na siya ng mandato sa mga barangay tanod upang mag ronda.
Naging regular ang pagroronda nila sa kanilang nasasakupan subalit hindi parin ito naging sapat at nakalusot parin ang mga kawatan at nakapagnakaw.
Posible aniyang alam ng mga kawatan ang oras ng pagroronda ng mga barangay tanod lalo at nagkasunod sunod ang mga mga programa sa kanilang barangay na kinailangan ding pagtuunan ng pansin ng mga barangay tanod.
May CCTV camera naman aniya sa lugar kung saan naganap ang pagnanakaw at susuriin nila ito baka sakaling nahagip ang mga kawatan at matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Matatandaang umabot sa mahigit limang libong piso at mga paninda ang nilimas ng mga magnanakaw matapos looban ang isang tindahan sa Brgy. Minante 2 noong ika anim na Oktubre.
Inihayag ng may-ari na si Ginang. Analiza Jacob na nagkalat ang mga gamit sa kanilang tindahan.
Pinilit na binaklas ng mga magnanakaw ang dalawang kandado ng kanilang tindahan gamit ang isang tubo at nilimas ang nasa limang libong pisong pera na kanilang kita at kinuha rin ang mga tindang sigarilyo na nagkakahalaga ng apat na libong piso maliban pa sa mga barya na nasa isang libong piso.




