CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Tumauini Police Station na magsasagawa sila ng patas na imbestigasyon at walang papanigan sa naganap na shooting incident sa loob ng isang resto bar sa District 2, Tumauini, Isabela na ikinasawi ng isang pulis at isang sibilyan.
Ito ay matapos na kumpirmahin na ng Tumauini Police Station ang pagkasawi ng isang pulis at isang sibilyan at pagkasugat naman ng iba pang nadamay sa naganap na shooting incident.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Charles Cariño, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na ang mga sangkot ay dalawang pulis na kinilalang sina PCpl. Neil Baquiran, 33-anyos, nakatalaga sa City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office at Pat. Jackson Acosta, 25-anyos, nakadestino sa Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company at residente ng Rizal, Delfin Albano, Isabela.
Batay sa kanilang imbestigasyon, dumating sa bahay-inuman si Cpl. Baquiran dakong alas-8 ng gabi habang dumating si Pat. Acosta pasado ala-una ng madaling araw.
Batay sa salaysay ng waiter na si Anacleto Arugay, umorder ng isang bucket ng alak si Acosta na halatang nasa impluwensya na ng nakalalasing na inumin nang magtungo sa lugar.
Sa hindi malamang dahilan ay nilapitan ni Baquiran si Acosta at nag-usap pa umano ang dalawa nang biglang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan at nagpangbuno sa suot na sling bag ni Acosta.
Matapos ang komusyon ay bumalik sa kanyang upuan si Baquiran habang nagtungo naman sa banyo si Acosta.
Sinundan umano ni Arugay, John Carlo Rivero at isang Donny Collado si Acosta nang bigla silang paputukan ng pulis gamit ang bitbit niyang service firearm sanhi para magtamo ng tama ng bala si Arugay na nadaplisan sa tenga at hita kaya dali-dali silang nagtago sa banyo hanggang sa makarinig sila ng palitan ng putok.
Dahil sa insidente ay nasawi si Pat. Acosta na nagtamo ng bala sa tiyan at kaibigan nitong si Donny Collado.
Nilinaw din niya na lahat ng mga pulis na sangkot sa insidente ay nagnegatibo sa isinagawang paraffin test ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Sa ngayon ay nakapaghain na sila ng inquest proceeding para sa paglabag ni Cpl. Baquiran sa Omnibus Election code o Gun Ban habang hinihintay naman nila ang ballistic examination at autopsy report para sa maayos na refferal sa case folder ni Pat. Acosta sa prosekusyon.
Muli namang nagpaalala si PMaj. Cariño sa publiko na sundin ang mga pinapairal na election gun ban pulis man o sibilyan maliban kung may mga kaukulang dokumentong magpapatunay na sila ay otorisadong magdala ng baril.
Iwasan din ang pagtungo sa resto bar kung lasing na upang makaiwas sa mga hindi inaasahang pangyayari.