--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinututukan ngayon ng Department of the Interior and Local Government o DILG Isabela ang inventory sa mga barangay kasabay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni ENGR. CORAZON TORIBIO, provincial director ng DILG Isabela na kabilang sa mga minomonitor nila ngayon ay ang inventory sa mga barangay.

Dapat aniya ay natapos na ang Barangay and SK inventory of properties and records dahil kapag natapos na ang halalan at manumpa na ang mga nanalo ay magkakaroon na ng turn over.

Ilang buwan na aniyang inilabas ng DILG ang memorandum tungkol dito kaya dapat ay tapos na rin.

--Ads--

Sa ngayon batay sa kanilang monitoring ay nakapagcomply na ang lahat ng barangay sa Isabela sa inventory.

Aniya, binili man o donasyon ang isang property ng barangay sa panahon ng kanilang panunungkulan ay dapat na ipasakamay sa mga susunod na manunungkulan kung sila ay hindi palaring manalo.

Ayon kay ENGR. TORIBIO, dapat alam ng lahat ng opisyal ng barangay ang properties and records ng baragay dahil dapat kasama silang lahat sa pagsasagawa ng imbentaryo.

Sa turn over naman ay dapat may mga witness at kung pwede ay dadaluhan ito ng mga DILG officers gayundin na may empliyado ng Local Government Unit at ng Commission on Audit o COA.

Mag-schedule sila kung kailan isasagawa ang turn over para makadalo ang mga DILG officers.

Sa mga mapapatunayan namang hindi ipinasakamay ang lahat ng properties and records ng barangay ay mahaharap sa civil cases.

Samantala, nanawagan siya sa lahat ng mga papalaring manalo na Sangguniang Kabataan na kailangan nilang sumailalim sa SK mandatory training bago sila manumpa at maupo.

Pagkatapos ng halalan ay isasagawa ito ng kanilang mga Local Youth Development Officers sa mga bayan at lunsod kasama ang DILG at iba pang resource person.

Sa mga hindi susunod ay hindi sila makakaupo at hindi rin sila pwedeng manumpa.

Nanawagan din ang DILG sa lahat ng mga mamamayan na pumili ng matino at mahusay sa kanilang iluluklok para mas maayos din ang paninilbihan.