--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakatakda ngayong araw ang pagpupulong ng binuong Incident Command Team para sa mga hakbang na gagawin sa paghahanap sa nawawalang piper plane na may tail number na RP-C 1234 at may lulan na isang pasahero at ang piloto.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng lalawigan ng Isabela, sinabi niya na sinubukan nilang itrack ang nawawalang eroplano na may tail number na RP-C 1234 gamit ang Flight Radar App at natuklasan na nagtapos ang track nito sa kabundukan na bahagi ng San Mariano, Isabela at tinatayang nasa 14 kilometers ang layo mula sa Barangay Casala.

Dahil dito ay humingi na sila ng tulong sa Tactical Operations Group 2 para sa karagdagang air assets.

Hiniling na rin sa iba pang flight patungong Palanan na sundan ang track ng nawawalang eroplano at anumang mapapansin na kahina-hinala ay agad na iulat sa kanila.

--Ads--

Umaasa siya na mas mapapadali ang paghahanap sa nawawalang piper plane kumpara sa nawalang Cessna 206 plane noong Enero.

Matatandaan na may napaulat din ang ilang residente sa Didiyan, Palanan na tunog ng isang eroplano.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa asawa ng piloto, habang nakikipag-ugnayan na rin ang Cyclone Airways sa pamilya ng nag-iisang pasahero na sakay ng piper plane na si Erma Escalante, 43-anyos na isang Barangay Health Worker.

Tinig ni Atty. Constante Foronda.

Samantala, dismayado naman ang kamag-anak ng pasaherong lulan ng nawawalang piper plane dahil sa pagbigyahe nito sa kabila ng maulap na papawirin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cynia Cano, kamag-anak ni Escalante, sinabi niya na sinamahan niya ang kanyang pinsan at susurpresahin sana ang pamilya nito sa pag-uwi sa Palanan, Isabela kaya hindi niya ipinaalam sa kanila na uuwi kahapon.

Halos isang linggo rin si Escalante sa Cauayan City dahil nagpasuri sa doktor bunsod ng kanyang karamdaman na tubercolosis, sakit sa atay at sakit sa buto.

Uuwi sana para makausap ang kanyang asawa tungkol sa gagawing biopsy sa mga nakitang bukol ng doktor sa kanyang buto.

Sa katunayan ay inihatid pa niya si Escalante sa Cauayan City Airport at nakapagpabooked sila sa Cyclone airways subalit bago sumakay sa eroplano ay namili pa ito ng mga pasalubong para sa kanyang mga anak.

Batay sa pakikipag-usap nila sa sekretarya ng Cyclone Airways ay gumamit sila ng airpass para isingit si Escalante sa biyahe, at hinanapan pa ng certificate of Indigency ng secretary.

Dahil ayaw na umano ni Escalante na ipagpabukas ang pag-uwi sa Palanan ay nagpasya na ito na iwan ang kaniyang mga gamit at sumingit sa biyahe ng airbus na may dalang mga cargo.

Ang pinagtataka niya ay nagbago ang ruta ng eroplano dahil sa halip na ito ang unang flight sa Maconcon, Isabela ay bibiyahe na ito sa Palanan.

Bigla rin aniyang nagmadali ang Sekretarya ng Cyclone Airways na mapasakay sa airbus ang pashero at inanunsyo na maganda ang panahon sa Palanan.

Kinabahan na siya ng abutin na ng isang oras ay hindi pa nakakalapag sa Palanan, Isabela ang naturang eroplano hanggang sa nakatanggap siya ng tawag para kumpirmahin kung totoong nakasakay sa eroplano si Escalante.

Panawagan niya na sana ay mahanap na ang eroplano.

Tinig ni Cynia Cano, kamag-anak ng pasahero ng eroplano.