CAUAYAN CITY – Hindi na ipinagsapalaran pa ng Incident Management Team ang pagpapadala ng aerial search and rescue team sa pinaniniwalaang lokasyon ng nawawalang piper plane na may tail number na RP-C1234 dahil sa makapal na ulap sa bahagi ng San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, sinabi niya na pasado alas-2 ng hapon kahapon nang lumipad ang Robinson R44 helicopter na sinundan ng Britten-Norman Islander twin-engine plane para sana magsagawa ng aerial search subalit nabigo silang mapasok ang identified search area matapos silang salubungin ng makapal na ulap sa taas na 3,000 feet mula sa San Mariano Isabela.
Lumipad naman hanggang sa 5,500 feet ang Britten-Norman Islander twin-engine plane at umikot ng labindalawang beses sa lugar subalit bigo ring mapasok ang search area kaya nagpasya ang mga eroplano na bumalik sa Cauayan City Airport.
Bagamat bigo ang aerial search ay nagpapatuloy pa rin ang ground search ng dalawang composite team sa Palanan at Casala San Mariano, Isabela.
Ayon kay Atty. Foronda, nagtamo ng malubhang sugat ang team leader ng composite team sa Palanan kaya napilitan ang rescuers na iwan na lamang sa Sitio Lucban, Barangay Didian, Palanan, Isabela.
Pahirapan pa rin ang paglalakbay ng ground rescuers dahil sa patuloy na pag-ulan at mahirap na terrain sa matatarik na bundok na bahagi ng Sierra Madre Mountain Range.
Dahil dito ay posibleng aabutin pa ng ilang araw bago matunton ang target search area.
Nakadepende naman sa resulta ng Aerial Search ang desisyon para sa deployment ng augmentation force sa coastal areas para mas mapalawak ang paghahanap sa nawawalang piper plane oras na gumanda na ang lagay ng panahon.
Tinig ni Atty. Constante Foronda.