--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 na pagluluwag lamang at hindi pagtigil sa paghuli sa mga unregistered vehicle ang ipapatupad ngayong holiday season.

Ito ay matapos na ianunsyo ng LTO Central Office ang pagluluwag ng implementasyon nito ng “no registration, no travel” policy sa kabuuan ng Disyembre o Yuletide season.

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, ipinag-utos na niya sa lahat ng LTO enforcers na balaan lamang ang mga driver ng unregistered motor vehicles.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Manny Baricaua, Acting Assistant Regional Director ng LTO Region 2, nilinaw niya na mayroon pa ring isasagawang paghuhuli ang mga enforcer ng LTO ngayong Disyembre.

--Ads--

Aniya, bibigyan lamang ng pagkakataon ng LTO ang mga may-ari ng unregistered vehicles na magtungo na sa kanilang tanggapan upang makapagparehistro.

Tiniyak ni Baricaua na mayroon pa ring pagtitiket ang LTO sa mga motorista na lalabag sa batas.

Hindi lang naman mga unregistered vehicles ang hinuhuli ng LTO kundi maging ang mga walang lisensya, walang helmet, nakainom at iba pang may paglabag sa batas lansangan.

Nanawagan naman siya sa mga magulang na may menor de edad na anak na huwag silang hayaang magmaneho lalo na kung nakainom ng alak dahil maaring magdulot ito ng aksidente.

Tinig ni Manny Baricaua, Acting Assistant Regional Director ng LTO Region 2.