CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang tricycle sa pambansang lansangan na bahagi ng Baligatan, City of Ilagan.
Ang nasawi ay si Arman Aggarao, 29-anyos, binata at residente ng Alibagu, City of Ilagan habang kinilala naman ang tsuper ng tricycle na si Gilbert Lumilan, 46-anyos, Brgy. Tanod, may asawa at residente ng Baligatan, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Ronnie Heraña Jr., Investigation Officer ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na binabagtas ng parehong sasakyan ang pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Baligatan patungong Gamu, Isabela.
Sinusundan ng motorsiklo ang tricycle at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bumagal ang takbo ng tricycle at lumiko pakaliwa patungo sa Brgy. Hall ng Baligatan dahilan upang mabangga ito ng sumusunod na motorsiklo.
Parehong tumilapon ang mga tsuper ng sangkot na sasakyan ngunit nagtamo ng malubhang sugat ang tsuper ng motorsiklo na agad dinala sa pagamutan ng mga rumespondeng miyembro ng Rescue 831 sa Governor Faustino N Dy Sr. Memorial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Ayon kay PCpt. Heraña, nasa impluwensiya ng alak ang tsuper ng motorsiklo nang maganap ang insidente.
Nagpaalala ang pulisya sa mga mamamayan na iwasang magmaneho kung nasa impluwensiya ng alak upang maiwasan ang aksidente sa daan.