CAUAYAN CITY – Nasugatan ang apat na indibidwal sa banggaan ng motorsiklo at kolong-kolong sa San Manuel, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Resty Derupe, deputy chief of police ng San Manuel Police Station na ang kolong-kolong ay minaneho ni Marcelo Tanguilig, 54-anyos kasama ang kanyang asawa at anak at mga residente ng Namnama, Tumauini, Isabela habang ang motorsiklo ay minanehro naman ni Gian Jay Alejandro, 19-anyos.
Aniya, patungo sa hilagang direksyon ang dalawang sangkot na sasakyan at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nabunggo ng motorsiklo ang likurang bahagi ng kolong-kolong.
Tumaob ang kolong-kolong at tumalsik ang anak ng tsuper na 13-anyos.
Pare-parehong nagtamo ng sugat ang mga sakay ng kolong-kolong at motorsiklo na dinala sa pagamutan subalit kailangang ilipat sa ibang pagamutan ang bata dahil malubha ang kanyang kalagayan.
Ayon kay PCapt. Derupe, maliwanag naman ang lugar at 4 lanes pa ang daan.
Panawagan nila sa publiko na mag-ingat sa pagmamaneho, iwasan ang pagmamaneho ng mabilis at laging isipin ang kapakanan ng iba para makaiwas sa mga ganitong aksidente.
Tinig ni PCapt. Resty Derupe.