CAUAYAN CITY – Nakapagtala na ang Isabela Provincial Health Office ng limang kaso ng fire cracker related injury ilang araw bago ang bagong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Health Education and Promotion Officer 3 Arlene Martinez, sinabi niya na mula sa limang kaso, dalawa ang naitala sa Roxas, dalawa rin sa Cauayan City at isa sa Bayan ng Alicia.
Ang ginamit na paputok ay ang picolo, five star, triangle at boga na kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok.
Batay sa datos ng Provincial Health Office kasisindi lamang ang paputok nang bigla itong sumabog habang ang gumamit naman ng boga ay natalsikan ang kanyang mata.
Magandang balita naman dahil walang naitalang malalang injury ang mga biktima at nakalabas na rin sa pagamutan.