CAUAYAN CITY – Binili ng DA Region 2 ang mga produktong repolyo at wombok ng mga magsasaka sa nasabing lalawigan matapos bumagsak sa tatlong piso hanggang limang piso ang kada kilo nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rosemary Aquino ng DA Region 2 sinabi niya na dahil sa pagtumal ng bilang ng mga naghahakot o mamimili ng gulay sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal ay bumaba na sa tatlo hanggang limang piso ang per kilo ng repolyo at wombok.
Aniya nasaksihan niya mismo ito matapos silang mag-ikot sa NVAT para magmonitor sa bentahan ng gulay.
Hindi lamang ito produce ng Region 2 dahil maging ang Ifugao ay nagbabagsak ng mga produkto sa NVAT.
Aniya lugi na ang mga magsasaka sa 5 pesos na presyo ng kanilang produkto kaya binili na lamang ng kagawaran ang kanilang produkto sa pamamagitan ng Kadiwa Store upang sila ay matulungan.
Ang nasabing stratehiya ay pansamantala lamang at hindi pangmatagalan.
Inuna nilang binili ang mga naunang ibinagsak na gulay upang hindi mabulok at baratin ng mga buyer o byahero at mapresyuhan pa ng sampu hanggangg labing limang piso bawat kilo.
Ayon sa mga traders sa NVAT maaring napagod ang mga byahero sa kasagsagan ng holiday na peak season ng nasabing mga gulay kaya nagpahinga sila sa unang linggo ng Enero.
Naging epekto naman nito ang pagdagsa o oversupply ng repolyo at wombok sa bagsakan at pagbaba ng presyo.
Umaasa naman ang kagawaran na sa mga susunod na linggo ay babalik na sa byahe ang mga nagpahingang traders upang bumalik sa normal ang ikot ng gulay sa merkado.
Base sa kanilang price monitoring ng repolyo at wombok sa ibang lugar tulad sa Cagayan at Isabela ay umaabot pa ang presyo sa 20 pesos hanggang 35 pesos kaya tinutukan nila ang NVAT upang maibalik sa normal ang presyuhan.
Patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DA Cordillera upang mamonitor ang pagpasok ng suplay dahil kung susumahin nasa 50% ng mga gulay sa NVAT ay nanggagaling sa Ifugao na parte ng CAR.