CAUAYAN CITY – Nagpaalaala ang Cauayan City Police Station matapos na may mahulog kahapon na isang motorista sa Alicaocao Overflow Bridge.
Ang biktima ay si John Benedict Andres, 18-anyos at residente ng Carabatan Punta, Cauayan City.
Kahapon, alas-11 ng tanghali nang mapaulat ang pagkahulog ng biktima sa nasabing tulay habang nakasakay ng kanyang motorsiklo at natagpuan na dakong alas-2 ng hapon subalit wala ng buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na galing ang biktima sa paaralan at nagpa-enroll kasama ang kanyang kaibigan.
Puwi na sa Barangay Carabatan Punta ang biktima lulan ng motorsiklo at habang binabagtas ang tulay ay may iniwasan siyang sasakyan.
Dahil dito ay aksidente niyang nasagi ang motorsiklo ng kanyang kaibigan na kanyang sinusundan sanhi para mawalan siya ng kontrol sa pagmamaneho at natumba.
Nahulog sa tulay ang biktima kasama ang kanyang motorsiklo.
Sinubukan pa umano nitong lumangoy subalit hindi niya kinaya dahil mabigat ang suot nitong helmet.
May mga bangkero rin na sinubukang sagipin ang biktima subalit hindi na nila naabutan.
Ayon kay PLt.Col. Nebalasca, may kalaliman ang lebel ng tubig sa ilog na nasasakupan ng Alicaocao Overflow Bridge kaya posibleng sumabit sa motorsiklo o di kaya ay tumama sa debris ang biktima.
Paaala nila ngayon sa lahat ng mga dumadaan sa tulay na mag-ingat para maiwasan ang mga ganitong insidente.
Tinig ni PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr.