--Ads--

CAUAYAN CITY – Aminado ang SDO Isabela na kulang sa programa upang tutukan ang mental health ng mga guro.

Ang pahayag na ito ay kaugnay sa pagpapatiwakal ng isang Principal sa Sto. Tomas Isabela sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rachel Llana, Schools Division Superintendent ng SDO Isabela sinabi niya na nakagawa na sila ng contextualized framework para sa holistic mental health program.

Aniya inipon na nila ang lahat ng mga trained personnel sa SDO Isabela at iba pang mga guro upang masolusyonan ang nasabing suliranin.

--Ads--

Nilinaw naman ni Dr. Llana na mayroon nang mga programa bago pa mangyari ang insidente at ngayon ay mas tututukan pa nila ito upang hindi na maulit pa.

Inamin naman niya na may pagkukulang sa programa upang tutukan ang mga programa para sa mental health ng mga teachers dahil sa lawak na rin ng kanilang sakop na distrito at sa dami ng mga guro sa Isabela.

Aniya bilang isang guro, maliwanag at tanggap niya ang pagtatanggal na ng DEPED sa administrative task ng mga guro dahil alam din niyang maraming guro ang “burdened” o marami talagang gawain sa eskwelahan hindi lamang sa pagtuturo.

Makakatulong aniya ito upang mabawasan ang stress ng mga guro at ang isipin na lang ay ang pagtuturo sa mga mag-aaral.

Pinaalalahanan naman niya ang lahat ng mga guro sa Isabela na ang SDO Isabela ay isang pamilya at may mga mekanismong nakalatag upang matulungan ang mga guro patungkol sa mental health.