--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakakaranas na muli ng mababang blood supply ang Philippine Red Cross (PRC) Isabela Chapter.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joyce Kristine Blas, Chapter Service Representative ng Blood Services ng PRC-Isabela, sinabi niya na karaniwang mababa ang blood supply ng Philippine Red Cross Isabela Chapter tuwing Enero at Pebrero dahil ito ang lean months.

Aniya, sa kabila ng mga blood letting activity na inilunsad noong buwan ng Nobyembre at Disyembre ay kulang pa rin ang kanilang naimbak na dugo para sa lumolobong demand pagpasok ng Enero.

Karaniwang umaabot ng 15 hanggang 20 na mga indibiduwal na nangangailangan ng dugo ang nag-iinquire sa kanilang tanggapan.

--Ads--

Sa ngayon ay prayoridad pa rin ng PCR Isabela sa pagdispense ng dugo ang mga naoperahan, nanganak, sangkot sa vehicular accident at dialysis patients.

Sakali man na hindi nila ma-cater ang mga nag-iinquire sa kanilang tanggapan ay isinasangguni nila ito sa ibang blood facilities na may sapat na blood supply.

Paulit-ulit naman ang panawagan nila sa mga nangangailangan ng dugo na magsama ng blood donor na kanilang ma-screen kapalit ng dugo na kanilang ibinibigay.

Muli rin niyang nilinaw na lahat ng mga dugong inilalabas ng PRC-Isabela ay may kaakibat na screening fee na isang paraan para matiyak na ligtas ang dugong isasalin sa pasyente.

Tinig ni Joyce Kristine Blas, Chapter Service Representative ng Blood Services ng PRC-Isabela.