CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang surveillance ng Provincial Veterinary Office ng Isabela kaugnay sa pagkalat ng Avian Influenza o Bird Flu.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barbosa, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na sa ika-7 at ika-8 ng Pebrero ay nakatakda silang magsagawa ng bird flu surveillance sa bayan ng Cabagan at Ramon habang sa ika-14 ng Pebrero ay sa Gamu at ika-16 ng Pebrero ay sa bayan ng naman ng Alicia.
Ayon kay Dr. Barbosa, ang nasabing mga bayan ang pangunahin nilang tinututukan dahil nagkaroon ng mga kaso noon habang ang Cabagan at Ramon ay minomonitor na rin dahil dito pangunahing nagtutungo ang mga migratory birds sa unang quarter ng taon.
Aniya, posibleng magdala ang mga ibon na ito ng sakit katulad ng bird flu bagamat naideklara na ang lalawigan bilang bird flu free.
Dahil bird flu free na ang lalawigan ay wala ng takot ang mga poultry farms na mag-alaga muli ngunit kailangan pa rin ang monitoring upang maiwasan ang panibagong outbreak.
Pinaalalahanan naman niya ang mga poultry raisers na laging isaisip ang biosecurity upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Tinig ni Dr. Belina Barbosa.