CAUAYAN CITY – Nais ng National Public Transport Coalition na tanggalin pansamantala ng Department of Energy ang excise tax ng gasolina upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, chairman and convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na ang pagtanggal sa excise tax ay dapat lamang isagawa tuwing mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo upang mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo nito.
Aniya, kapag bumaba na ang presyo ay pwede na ulit ibalik ang excise tax o ang Value Added Tax (EVAT).
Kung patuloy aniya ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay lalong hindi makakapag-bayad ang mga operators ng Modernized Unit lalo na kung hindi nagtataas ang pamasahe.
Kung itataas naman ang pamasahe ay kawawa naman ang taumbayan kaya ang pansamantalang pagtanggal sa tax ang naiisip nilang solusyon upang hindi mahirapan ang mga operators at commuters.
Samantala, hindi naniniwala si Lim na pinag-aralang mabuti ng pamahalaan ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Aniya, tanging ang ekonomiya ang magtatakda kung kaya ng bansa na magsulong ng mga ganitong klase ng programa.
Tinig ni Ariel Lim, chairman and convenor ng National Public Transport Coalition.