CAUAYAN CITY – Magsasagawa ang City Health Office 2 ng mga programa at magkakaloob ng serbisyo sa mga mamamayan sa ikalabing apat ng Pebrero bilang bahagi ng National Heart Month.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Mary Christine Puruganan ng City Health Office na taun-taon ay ipinagdiriwang ang National Heart Month tuwing buwan ng Pebrero.
Ito aniya ay tungkol sa pag-aalaga sa katawan lalo na sa puso at sa kalusugan.
Sa City Health Office ay mayroon silang Wellness day isang beses sa isang linggo.
Ngayong taon, ang tema ng National Heart Month ay ‘Ka-heartner puso ang piliin ngayong Heart Month’.
Sa ikalabing apat ng Pebrero ay ilulunsad ng City Health Office 2 ang kanilang libreng programa at serbisyo kabilang ang nutrition counselling, blood sugar test, cholesterol screening, at blood pressure check up.
Aniya, sa mga magpapacholesterol screening ay dapat walo hanggang labindalawang oras na nagfasting para maganda ang resulta.
Para mas lalong maipaabot sa mga mamamayan ang kanilang mga program ay bibisita rin ang mga health workers sa mga barangay.
Samantala, inihayag pa ni Dr. Puruganan na para mapanatiling malusog ang puso ay dapat magkaroon ng proper exercise sa bawat araw, balance diet, at kung may history ng hypertension o diabetes ay laging magtungo sa health offices para magpacheck up.
Malaking bagay din aniya ang pagdodonate ng dugo.











