--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang construction worker sa isinagawang drug buy bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Minante 2, Cauayan City.

Ang pinaghihinalaan ay si Eroll Luyun, dalawampu’t tatlong taong gulang, construction worker, tubong Labinab Pequeño, Reina Mercedes, Isabela at kasalukuyang naninirahan sa Minante 2, Cauayan City.

Nabili sa kanya ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng isang libong piso.

Nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang isa pang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga 810 pesos.

--Ads--

Nakita rin ang iba’t ibang drug paraphernalia gaya ng aluminium foil, lighter at isang bundle ng plastic sachet na posibleng ginagamit ng lalaki sa pagtitinda ng iligal na droga.

Aminado naman ang pinaghihinalaan na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot at kinukuha niya ang kanyang supply sa lalawigan ng Bulacan.

Dalawang buwan pa lamang siyang nakatira sa barangay Minante Dos, at ayon sa pulisya lumipat siya dito dahil mainit na ang kanyang pangalan sa bayan ng Reina Mercedes.

Samantala umamin naman ang dalawang trabahador ng suspek na gumagawa sa kanyang bahay na pinipilit din sila ng pinaghihinalaan na gumamit ng shabu.

Iniimbestigahan naman kung posibleng may iba pang kasamahan ang suspek sa pagtutulak ng iligal na droga.

Maituturing namang isang street level individual si Luyun.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang pinaghihinalaan at posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.