--Ads--

CAUAYAN CITY – Narekober ng militar at kapulisan ang matataas na kalibre ng baril sa Brgy. Masi, Rizal, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army na dahil sa patuloy na pagtugis ng militar sa natitirang miyembro ng KomProb Cagayan sa Cagayan ay patuloy din ang pag-alam nila kung saan itinago o ibinaon ng mga rebelde ang kanilang mga gamit sa pandigma.

Sa pamamagitan aniya ng rebelasyon ng mga dating rebelde ay natunton ang isang firearms cache sa Brgy. Masi, Rizal, Cagayan.

Sa pinagsanib na pwersa ng PNP Rizal, PNP Cagayan, at kasundaluhan ng 75th Infantry Battalion ay narekober ang iba’t ibang klase ng matataas na kalibre ng baril.

--Ads--

Kinabibilangan ito ng isang Daewoo K3 Rifle; dalawang Colt Rifle w/ M203 Grenade Launcher; tatlong Colt Rifle; tatlong Elisco Rifle; 14 na Long Magazine ng M16 Rifle; apat na Short Magazine ng M16 rifle; isang cal. 45 Armscor pistol, isang magazine na may 32 bala; at isang Improvised Explosive Device (IED).

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya ang naturang mga kagamitang pandigma ng mga rebelde para sa kaukulang disposisyon.

Ayon kay Maj. Pamittan, itinago o ibinaon na lamang ito ng mga rebelde dahil hindi na nila ito madala sa patuloy na pagtatago nila sa mga otoridad

Bukod dito ay pakaunti na ng pakaunti ang kanilang bilang kaya hindi na nila kayang dalhin ang iba nilang gamit.

Unang pagkakataon naman aniya ito ngayong taon na may narekober silang arms cache na may matataas na uri ng baril.

Muli namang nanawagan ang militar sa mga rebelde na nasa kabundukan pa rin na magbalik loob na sa pamahalaan.

Tinig ni Maj. Rigor Pamittan.