--Ads--

CAUAYAN CITY Umabot sa P30,000 ang halaga ng produkto na natangay sa isang negosyante sa Cauayan City matapos na siya ay ma-scam.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas Lyn, sinabi niya na umaga noong February 8 nang may umakyat na babae sa kanyang pwesto na nasa harapan ng FL Dy Coliseum dahil may katransaksyon umano sa katabi niyang opisina.

Dahil sarado pa ito ay inalok niya ang babae na pumasok muna sa kanyang shop at doon maghintay.

Habang nasa loob ay tinitingnan nito ang mga produkto na kanyang itinitinda hanggang sa nagtanong kung pwede siyang maging reseller.

--Ads--

Marami umanong sinasabi ang babae para siya ay maengganyo hanggang sa makuha ang kanyang loob.

Aniya, gcash ang payment method nila na kanilang napag-usapan kapag may naidispose sa mga kinuha niyang produkto.

Sa araw ding iyon ay bumalik din ang babae sa kanyang shop para kumuha ulit ng produkto dahil mayroon pa umanong mga naghahanap.

Kinaumagahan, February 9 ay may gcash transaction pa sila hanggang sa sinabi nito na naibenta na nito lahat ang kinuha niyang produkto at pupunta na umano sa kanyang shop para magremit pero hindi naman dumating.

May komunikasyon pa naman aniya sila hanggang sa matapos ang naturang araw pero marami nang sinasabing rason at hanggang ngayon ay hindi na ito nagpakita sa kanya.

Ayon pa sa biktima, nakipag-ugnayan na siya sa sinasabi ng babae kung saan siya nagtatrabaho pero batay sa naturang establisyemento ay wala silang ganoong empliyado.

Batay naman sa ID nito ay mula sa Santiago City ang naturang babae at pinapahanap na siya doon.

Aniya, ipinost niya ito sa social media para matakot na ang mga ganitong klase ng tao na manloko.

Inilarawan nito ang babae na may 5’2 ang tangkad, lampas sa balikat ang buhok na kulay itim, kayumanggi na may katabaan at hindi makikitaan na kaya nitong manloko dahil parang inosente.

Panawagan niya sa naturang babae na lumapit lamang sa kanya at mag-usap sila ng maayos at huwag na nitong ulitin ang kanyang ginawa at magtraba nalang ng maayos.

Sa mga nagnenegosyo naman na katulad niya ay huwag masyadong magtiwala para hindi matulad sa kanya.

Hiling din niya sa mga otoridad na sana ay mahuli rin ang mga ganitong klaseng tao para hindi na sila dumami pa.

Tinig ng biktima.