CAUAYAN CITY – Ninakawan ang isang sakahan ng palay sa Minante 2, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Barangay Kapitan Saturnino Aggarao Jr. ng Minante 2, Cauayan City na batay sa kanilang pagtaya ay halos dalawang kaban ang nakuha ng mga magnanakaw.
Aniya, kahirapan at mahal na presyo ng bigas ang nakikita nilang rason sa pagnanakaw sa naturang palayan.
Nakiusap naman siya sa mga may sinasakang palay na kung maari ay bisitahin ito dahil hindi rin nila nababantayan lahat at kung may napapansin man ay makipag-ugnayan lamang sa mga opisyal ng barangay para agad na maaksyunan at mapigilan ang mga ganitong klase ng insidente.
Kaugnay nito ay nanawagan din siya sa pamahalaang lunsod na sana ay maayos na ang mga street lights para kahit paano ay mapigilan ang mga ganitong nakawan.
Malaking tulong din ito sa mga barangay tanod dahil kahit lagi silang nagroronda ay wala silang natyatyambahan.
Ipinagbigay alam na rin nila ito sa pamahalaang lunsod at posibleng ngayong buwan ng Marso umano ay maayos na ang mga street lights.
Sinabihan na lamang niya ang mga barangay tanod na dapat hindi pare-pareho ang oras ng kanilang pagroronda para hindi sila masalisihan ng mga magnanakaw.
Tinig ni Barangay Kapitan Saturnino Aggarao Jr.