CAUAYAN CITY – Naghain ng temporary restraining order (TRO) sa korte ang National Public Transport Coalition upang ipatigil ang pagpasok ng karagdagang Motorcycle Taxi units.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni National Public Transport Coalition Convenor Ariel Lim na dahil sa magkasabay na problema nila sa Jeepney modernization at Motorcycle taxi ay nagkakagulo na sa hanay ng transportasyon.
Aniya, hindi lamang sila ang nagrereklamo dahil sa paglobo ng bilang ng mga Motorcycle taxi’s maging ang iba pang grupo mula sa Transport Network Vehicle Service, Taxi, Bus companies, Tricycle at Jeepney Operator.
Ayon kay Lim, bagamat nasa pilot implementation pa lamang ang motorcycle taxi’s ay malaking banta na ito sa sektor ng mga nasa transportsyon gaya ng mga Jeepneys at Tricycles.
Sa katunayan ay may isang kumpaniya ang nagnanais na mapaabot ang bilang ng Motorcycle taxi hanggang sa 100,000 at hindi pa kabilang dito ang mga nasa hanay ng food delivery and courier service.
Hindi rin naman aniya dumaan sa Technical Working Group na kinabibilangan ng National Public Transport Coalition ang paglalabas ng bagong players ng ilang Transportation Network Vehicle Service na magdadagdag ng Motorcycle Taxi na taliwas sa napag-usapan kasama ang pamahalaan na dadaan ito sa tamang proseso.