CAUAYAN CITY – Arestado ang tatlong kalalakihan matapos makuha sa kanilang pag-iingat ang mahigit apat na milyong pisong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Sitio Dinakan, Brgy. Dangoy, Lubuagan, Kalinga.
Ang mga nahuli ay sina Lloyd Driggs Fernandez, bente otso anyos, binata, Romnick Mendoza, trenta’y dos anyos, may-asawa, tricycle driver at Christian Lester Mariano, trenta’y uno anyos, binata, driver at pawang mga residente ng Paso De Blas, Valenzuela City.
Nakuha sa kanilang sasakyan ang tatlumpu’t limang piraso ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana bricks, isang hugis tubo na marijuana bricks at may kabuuang timbang na humigit kumulang tatlumpu’t anim na kilo at nagkakahalaga ng 4,320,000 pesos.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan napag-alaman na lulan ang tatlo ng SUV at nang makarating sila sa checkpoint sa Brgy. Dangoy ay sinubukan umano silang parahin ng mga pulis ngunit sa halip na tumigil ay binilisan pa umano nila ang patakbo sa kanilang sasakyan at binangga ang signage sa checkpoint.
Pagkabangga ay hindi na umano nakalayo ang tatlo na naging dahilan nang kanilang pagka-aresto.
Nang siyasatin ang kanilang sasakyan ay dito na tumambad ang mga marijuana bricks na nakalagay sa mga karton na hinihinalang dadalhin sa kalakhang Maynila.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlo kung saan ay inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.
Inaalam naman ngayon kung may kaugnayan ang tatlong nahuli sa mga naunang naaresto na sinusubukang magbiyahe ng marijuana palabas ng Kalinga.