CAUAYAN CITY – Ibinahagi ng Number 8 sa Criminologist Licensure Examination National Level na mula sa Gattaran, Cagayan ang hirap na kanyang napagdaanan para lamang makatapos ng pag-aaral.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Leian Kate Reyes, Number 8 sa Criminologist Licensure Examination National level na pinangarap niya talagang mapabilang sa mga topnotchers kaya sa sobrang tuwa niya nang mapag-alamang isa siya sa mga nanguna sa pagsusulit ay napasigaw at napaiyak siya.
Gayunman, dahil aniya sa hirap ng exam ay hindi na niya inasahan na mapapabilang siya sa mga topnotchers at hiniling nalang na sana ay makapasa siya.
Aniya, nagreview center siya at bagamat enrolled sa kanilang face to face review ay mas pinili niyang magreview online.
Simula aniya noong elementarya ay nag-eexcel na talaga siya sa academic at noong nasa kolehiyo bagamat pasok ang kanyang grado para maging cum laude ay nadisqualify siya dahil sa isa niyang subject kaya ipinangako niya sa kanyang sarili na babawi siya para maiakyat din sa entablado ang kanyang mga magulang.
Ayon sa kanya, nag-aral siya ng elementarya sa Casicallan Elementary School, habang noong high school ay nag-aral siya sa isang catholic school bilang scholar ng mga alumni at dahil sa pagiging valedictorian ay nakapasok siya sa St. Paul University bilang scholar.
Bukod dito ay naging scholar din siya ng Commission on Higher Education (CHED) pero dahil sa iba pa niyang pangangailangan sa pag-aaral ay kinailangan niyang magtrabaho dahil mahirap lamang ang kanilang pamumuhay.
Mula unang taon niya sa kolehiyo ay pumasok siya sa iba’t ibang trabaho tulad ng pagiging service crew, sales associate, delivery rider, online tutor, at cashier hanggang sa siya ay makatapos.
Ayon pa kay Reyes, hindi criminology ang pangarap niyang kurso noon pero dahil mahal ang kanyang pangarap na kunin ay pinili nalang niya ito at para na rin sa pangarap niyang makapasok sa Philippine Military Academy (PMA).
Sa ngayon, kabilang sa mga ikinukunsidera niya ay kung tatanggapin ang alok ng kanilang review center na maging lecturer nila para makatulong din siya sa mga kabataan na nangangarap na maging registered criminologist at kung ipagpapatuloy niya ang kanyang nasimulan.
Payo niya sa mga inaabot pa lamang ang kanilang pangarap na gawing inspirasyon ang kanilang pinagdadaanan sa buhay.
Sa mga nagrereview naman ay magbasa lang ng magbasa at piliin ang review center na kanilang mapagkakatiwalaan.
Iniaalalay naman niya ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang.
Nagpapasalamat din siya sa lahat ng tumulong sa kanya para matupad niya ang kanyang mga pangarap.
Tinig ni Leian Kate Reyes, Number 8 sa Criminologist Licensure Examination National level.