CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang 18 ang nasugatan matapos makabanggaan ng isang Victory Liner bus ang isang motorsiklo at mahulog sa bangin sa San Juan, City of Ilagan.
Kinilala ang tsuper ng pampasaherong bus na si Looney Andoy, tubong Tuguegarao City, Cagayan habang ang tsuper ng motorsiklo ay si Roland Basog na residente ng Santa Catalina, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Louie Jay Felipe, Deputy Chief of Police ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na bago ang insidente ay binabagtas ng pampasehrong bus ang National Highway patungong Maynila habang nasa kasalungat na direksyon naman ang motorsiklo.
Nag-overtake umano ang bus at hindi nito napansin ang paparating na motorsiklo na dahilan ng pagkakabangga nito at pagkahulog sa bangin.
Nagtamo ng sugat ang mga lulan ng pampasaherong bus habang idineklara namang dead on arrival sa pagamutan ang tsuper ng motorsiklo na si Basog.
Sa ngayon ay labing anim sa mga pasahero ang na-discharge na sa pagamutan habang patuloy na nagpapagaling ang dalawang iba pa.
Ayon kay PCapt. Felipe, tumakas si Andoy matapos ang insidente at maaaring hinubad nito ang kanyang uniporme upang hindi siya makilala.
Tinig ni PCapt. Louie Jay Felipe.
Samantala, pagkatapos ng ilang oras ay sumuko rin ang tsuper ng pampasaherong bus sa City of Ilagan Police Station.
Ayon umano sa kanya, natakot siya dahil hindi siya taga-lunsod ng Ilagan kaya siya tumakas.