CAUAYAN CITY – Tatlong magsasaka ang ninakawan ng mga ani nilang palay sa barangay Barcola, Gamu, Isabela.
Ang insidente ay naganap madaling araw noong biyernes at ang mga aning palay ng magsasaka ay nasa compound lamang ng barangay hall.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Rogelio Subia, sinabi niya na ito ang unang kaso ng pagnanakaw ng aning palay sa kanilang lugar.
Aniya batay sa kuha ng CCTV camera pasado alas tres ng madaling araw ay nakitang isinakay ang mga ninakaw na sako ng mga aning palay sa isang kulay itim na pick up.
Tinatayang nagkakahalaga ng tatlumpong libong piso ang nanakaw na palay.
Dalawa sa tatlong biktima ay nakikiani at nakikitanim lamang.
Matapos ang insidente ay agad na pinulong ng Punong barangay ang mga opisyal ng barangay para mapaigting ang seguridad sa kanilang nasasakupan at hindi na maulit ang pangyayari.
Panawagan niya ngayon sa mga magnanakaw na na makunsensya dahil wala namang ibang pagkukunan ng pangkabuhayan ang mga biktima.