--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Department of Education Region 2 na positibo ang pagtanggap at epekto ng Catch-up Fridays sa mga mag-aaral at mga guro.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Octavio Cabasag, Chief Education Supervisor ng DepEd Region 2 na ang ang Catch-up Fridays ay isang estratehiya ng Department of Education para masolusyunan ang academic losses dahil sa halos tatlong taon na walang face to face classes bunsod ng naranasang pandemya.

Batay aniya sa kanilang monitoring ay may naitutulong din ang Catch-up Fridays para maiangat ang pagbabasa ng mga estudyante at halos lahat din ng mga estudyante ay nagiging interesado na pumasok tuwing araw ng Biyernes.

Positibo rin ito sa mga guro dahil mabibigyan nila ng pansin ang mga estudyante na nangangailangan ng agarang paglutas sa kanilang pagbabasa at nagkakaroon din sila ng pagkakataon na makapag-usap-usap para matalakay ang pag-aaral ng mga bata.

--Ads--

Gayunman ay inamin niya na may kakulangan talaga sa gamit lalong-lalo na sa mga malalayong lugar pero ginagawan na nila ito ng paraan tulad ng online materials at ang bawat dibisyon ay naatasan na gumawa ng learning materials.

Marami rin naman aniyang stakeholders sa mga paaralan ang tumutulong para sa kagamitan na kailangan sa Catch-up Fridays.

Samantala, isa rin sa pinagtutuunan ng pansin ng DepEd ngayon ay ang K-10 MATATAG Curriculum at ang pilot area sa ikalawang rehiyon ay ang Cauayan City.

Nilinaw ni Cabasag na ang MATATAG Curriculum ay hindi binago ang K-12 Curriculum.

Dahil aniya sa academic losses ng mga mag-aaral ay layon ng bagong Curriculum na mas maiangat pa ang competencies ng mga estudyante.

Ipapatupad na aniya ito sa mga papasok sa Kindergarten, Grade 1, 4 at 7 sa School Year 2024-2025.