CAUAYAN CITY – Bigong ma-break ng isang farm ang puntiryang makapagtala ng world record sa may pinakamaraming palay sa isang ektaryang sakahan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Francis Nitura, may-ari ng farm, sinabi niya na umabot lamang sa 11.57 metric tons o katumbas ng mahigit 231.4 na sako ang kanilang naitala at ang kailangan nilang i-break ay 22.4 tons o 448 na sako.
Aniya, naabot naman nila ang tiller at grains subalit 40% dito ay walang laman.
Kung may laman sana aniya ang mga butil ay posibleng nasungkit nila ang world record.
Bigo man silang maabot ang record ay inihayag nito na hindi sila titigil hanggang maabot nila ang record.
Bukod dito ay hindi lang naman ito ang kanilang layunin kundi nais din nilang ipakita sa mga magsasaka na mayroon pang pag-asa at kailangan lamang nilang mag-explore at gamitin ang mga bagong technologies o technical sa pagsasaka para mapataas ang ani.
Ayon kay Nitura, dalawampong taon siya sa Amerika at nalulungkot siya dahil pagbalik niya sa Pilipinas ay wala pa ring pagbabago sa sistema ng agrikultura kaya nais niyang sa pamamagitan ng kanyang FDN o Francis D. Nitura Farm ay makapag-inspire siya sa mga magsasaka o sa kahit na sino na interesado sa pagsasaka.
Ibinahagi nito na walong beses silang nag-abono sa isang ektarya at pareho lamang din sa abono na ginagamit ng mga magsasaka ang kanilang ginamit.
Matrabaho man aniya pero tataas naman ang maaani at mababawi rin nila ang kanilang gastos.
Ini-a-apply din nila ang programa ng pamahalaan na balance fertilization dahil nasisira na ang lupa sa sobrang paglalagay ng mga synthetic fertilizer.
Umabot sa 30 sako ng abono ang kanilang ginamit na alam aniya nilang hindi pangkaraniwan dahil ang ginagamit sa hybrid varieties ay nasa 12 hanggang 14 na bag ng abono.
Tinig ni Francis Nitura, may-ari ng FDN farm.