CAUAYAN CITY – Naging matagumpay ang inagurasyon at launching ng LAB for ALL caravan ni first Lady Loiuse Araneta-Marcos sa lunsod ng Ilagan.
Layunin ng programa na makapaghatid ng libreng programang medical, laboratory at libreng gamot para sa mga mamamayan.
Bilang bahagi ng whole-of-nation-approach, isa sa mahalagang bahagi ng inisyatiba ay ang partisipasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry na nagbigay ng libreng mentoring sessions katuwang ang mga Philippine Center For Entrepreneurship-Go Negosyo, ang Philippine Chamber of Commerce and Industry at ang Ilagan Local Economic Development and Investment Promotion Office.
Kasabay ng mga mentorship sessions, ang mga komprehensibong serbisyo ng DTI tulad ng Business Name Registration, Barangay Micro Business Enterprise Registration, Rise Up Financing Program with Small Business Corporation at Online Marketing Assistance with Dory Application ay ipinagkaloob din para sa mga aspiring entrepreneurs.
Maliban dito ay may medical services, free operation, laboratory services, consultation, blood test at dental services.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Mar Wynn Bello, Assistant Regional Director ng Department of Health Cagayan Valley na nagagalak sila na makapagbigay ng libreng serbisyo para sa taumbayan.
Umaasa ang DOH na hindi ito ang una at huling pagkakataon na maging bahagi sila ng ganitong programa ng pamahalaan para makapagbigay ng libreng serbisyong medikal.
Aniya, maliban sa LAB for ALL ay may kahalintulad na programa din silang inilunsad sa Probinsya ng Cagayan.
Samantala, namahagi din ng tulong pinansiyal ang Department of Social Welfare and Development Region 2 sa mga nangangailangang mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer-In-Charge Assistant Regional Director Franco Lopez ng DSWD Region 2 sinabi niya na, namahagi sila ng tulong pinansiyal na P2,000 at food items sa bawat isa.
Tiniyak nila na lahat ng nakibahagi sa programa ay nakatangap ng tulong mula sa kanilang tanggapan.
May kanya-kanyang hatid na serbisyo din ang Commission on Higher Education, Department of Agriculture, Department of Migrant Workers, Philhealth at TESDA.
Pinasalamatan naman ni 1st Lady Louise Araneta-Marcos sa kanyang talumpati ang lahat ng mga ahensya na naging bahagi sa naturang programa.