CAUAYAN CITY – Naka-alerto na ang Philippine Coast Guard Northeastern Luzon kaugnay sa paggunita ng Semana Santa na nagsimula na kahapon, araw ng Linggo o Palm Sunday.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CoastGuard Ensign Ryan-Joe Arellano, Information Officer ng Philippine Coast Guard Northeastern Luzon, sinabi niya na pangunahin nilang tinututukan ang mga beach resort sa Northern Luzon na pinupuntahan ng mga turista tuwing Semana Santa pangunahin na sa bahagi ng Santa Ana hanggang Claveria, Cagayan.
Minomonitor din nila ang bahagi ng Calayan, Cagayan at Batanes dahil island areas ang mga ito at maraming nagtutungong turista at gumagamit sila ng mga sasakyang pandagat.
Aniya, sinusuri ng Philippine Coast Guard kung nag-ooverloading ang mga may-ari ng mga bangka sa mga pantalan at may mga life vest na dala upang maiwasan ang mga aksidente sa karagatan.
Sinusuri rin nila ang mga kapitan ng bangka at mga pahinante nito kung hindi sila nakainom ng alak o ligtas silang bumyahe.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na mag-ingat kapag nagtutungo sa mga beaches ngayong Semana Santa.