--Ads--

CAUAYAN CITY – Idineklara ang State of Calamity sa Mayoyao, Ifugao dahil sa epekto ng El Niño.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Jimmy Padchanan Jr. na nagdeklara sila ng State of Calamity dahil matindi na ang epekto ng El Niño sa kanilang lugar.

Aniya, tuyot na ang mga palayan na sinasaka ng kanilang mga magsasaka at batay sa datos na mula sa 27 barangay ng Mayoyao, karamihan sa mga magsasaka ay tuyot na ang palayan.

Batay sa nakuha nilang inisyal na datos ay umaabot na sa halos limang ektarya ng palayan sa 27 barangay ng Mayoyao ang nasira.

--Ads--

Ayon kay Mayor Padchanan, makakatulong ang pagdedeklara nila ng State of Calamity para matulungan sila sa pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at makapagbigay ng programa tulad ng livelihood programs.

Sa pamamagitan din nito ay magagamit na rin nila ang kanilang calamity fund para maibigay sa mga magsasaka.

Ayon pa sa alkalde, bukod sa tagtuyot ay problema rin nila ang mga peste na isa rin sa nagiging dahilan kaya namamatay ang mga palay sa kanilang lugar.

Kahit aniya magsagawa ng cloud seeding ay hindi na rin maisasalba ang mga palay.

Aniya, mula ng wala ng ulan ay nanalasa na ang mga peste sa mga palayan sa kanilang bayan.

Tiyak namann aniya na makakaapekto ito sa presyo ng mga produkto sa kanilang bayan at tataas ang presyo dahil lahat na ng kanilang magiging supply ay magmumula sa labas ng Mayoyao.

Nanawagan siya sa kanyang mga kababayan na patuloy na magkaisa at manalangin para umulan na at makahabol pa sila sa pagtatanim.

Tinig ni Mayor Jimmy Padchanan Jr.