CAUAYAN CITY – Nasunog ang nasa isang ektaryang bahagi ng sanitary landfill ng Naguilian, Isabela kahapon at ang tinitingnan dahilan ay natural fire.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Fire Officer 2 Shereelyn Liwag, Community Relations Officer ng Bureau of Fire Protection (BFP) Naguillian na dakong alas-nuebe trenta ng umaga kahapon ay nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa grass fire sa sanitary landfill ng Naguilian.
Aniya, dahil nakapagresponde sila agad ay hindi na kumalat ang apoy at naideklarang fire out ng ala-una ng hapon.
Umabot lamang ito sa first alarm at naging katuwang nila sa pag-apula ang BFP Gamu at BFP Reina Mercedes.
Wala namang nasaktan sa pangyayari at wala ring naitalang damage dahil damuhan lang ang nasunog.
Sa ngayon ay patuloy pa rin nilang iniimbestigahan ang pangyayari at ang pangunahin nilang tinitingnan na dahilan ay ang sobrang init ng panahon kaya ikinukunsidera itong natural fire.
Ayon kay FO2 Liwag, noong buwan ng Marso ay nasa tatlo ang naitala nilang grass fire sa kanilang nasasakupan at ngayong buwan ng Abril ay pangatlo na ito.
Paalala nila sa mga mamamayan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusunog ng kahit anong basura dahil labag ito sa batas.
Alamin din ang hot line ng fire stations sa isang lugar para agad na maitawag kapag may sunog.
Maging responsable aniyang mamamayan, sumunod sa batas, manatiling hydrated at huwag nang subukan pang magsunog ng kahit ano para maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari.
Tinig ni Fire Officer 2 Shereelyn Liwag.