CAUAYAN CITY – Natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng isang magsasaka sa isang sapa sa Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office na alas-dose kahapon ng tanghali nang natagpuan ang katawan ng magsasaka sa isang sapa sa barangay Kongkong, Kasibu.
Aniya, nakadapa sa putik at matubig na bahagi ng sapa ang biktima at wala ng buhay.
Batay aniya sa Kasibu Police Station, galing ang biktima sa isang birthday party at nakipag-inuman.
Pagkatapos nito ay umuwi siyang mag-isa at naglakad lamang.
Ang buong akala ng mga nakasama nito sa birthday party ay nakauwi na ang biktima at kahapon lamang nila nalaman na hindi pala nang matagpuan ang katawan nito.
Ayon kay PMaj. Villar, sapa na nasa tabi ng daan ang lugar kung saan natagpuan ang biktima.
Posibleng nahulog sa bangin na nasa sampong talampakan ang taas ang biktima at dumiretso sa maputik na bahagi ng sapa.
May mga sugat sa kanyang ulo at mukha ang biktima na pinaniniwalaang tumama sa mga matitigas na bagay na malapit sa sapa.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam ang tunay na dahilan ng pagkasawi ng biktima gayunman ay tumanggi na ang pamilya nito na ipaawtopsiya ang kanyang katawan.
Pinayuhan naman ni PMaj. Villar ang mga mahihilig uminom na mag-ingat kapag nakainom ng alak at huwag sobrahan para makaiwas sa mga ganitong klase ng insidente.
Tinig ni PMaj. Jolly Villar.