CAUAYAN CITY – Arestado ang lalaking itinuturing na high value individual matapos makuha sa kanyang pag-iingat ang mahigit kalahating milyong pisong halaga ng mga iligal na droga sa Lucog, Tabuk City.
Ang pinaghihinalaan ay si Den Den Antonio, 42-anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Tabuk City Police Station, nakuha sa bahay ng suspek ang sampong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na sampung gramo at nagkakahalaga ng P68,000.
Nakuha rin ang limang bricks ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na limang kilo at nagkakahalaga ng P600,000.
Nakita rin ang 28 gamit na aluminium foil, tatlong lighter at iba pang gamit na posibleng ginagamit sa ipinagbabawal na gamot.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Tabuk City Police Station ang pinaghihinalaan at siya ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002).
Inaalam ngayon kung posibleng miyembro ang suspek ng mas malaking grupo at kung saan galing ang mga iligal na droga na nasamsam sa kanyang pag-iingat.