CAUAYAN CITY – Humiling ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng cloud seeding sa Department of Agriculture pangunahin na sa watershed Areas ng Magat Dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Monico Castro, Chief ng Field Operation Division ng Department of Agriculture Region 2, sinabi niya na bilang paghahanda sa wet season operation ay magsasagawa ng cloud seeding ang Department of Agriculture sa ikawalo ng Abril.
Aniya, ang cloud seeding operation ang nakikita ng Department of Agriculture na makakatulong sa mga magsasaka at naisagawa na ito sa mga bayan ng Enrile, Iguig at PeƱablanca sa lalawigan ng Cagayan at sa mga bayan ng San Pablo, Sto. Tomas, Cabagan, at Tumauini sa Isabela.
Batay sa kanilang datos, simula February 22 hanggang March 7 ay umabot na sa P560,962,000 ang pinsala ng tagtuyot sa mga taniman sa rehiyon.
Pinakaapektado ang lalawigan ng Isabela na sumasakop sa 61.4 percent ng kabuuang pinsala, sumusunod ang Nueva Vizcaya na may 27.7 percent, Cagayan na may 7.3 percent at ang Quirino na may 3.5 percent.
Kung susumahin ay aabot sa 17,949 na ektarya na ng taniman ang napinsala sa rehiyon at 15,891 dito ay taniman ng mais, 1,667 ay palayan at 160 ang mula sa mga high value crops.
Aabot naman sa 14,956 na mga magsasaka ang naapektuhan at pinakamarami ang mula sa lalawigan ng Isabela.