CAUAYAN CITY – Posibleng taga Bicol Region ang isang ginang na naaksidente sa Cauayan City na hindi pa nakikilala ng kamag-anak sa ngayon.
Una rito ay nasawi sa aksidente ang isang ginang sa barangay Villa Luna Cauayan City matapos mabangga ng motorsiklo habang naglalakad sa kalsada.
Ang biktima ay nakasuot ng green shirt, black short at tsinelas, tinatayang 5’5 ang kanyang tangkad, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi at nasa 50-55 ang edad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Ligaya Quiben ng Alicia Isabela na sa pamamagitan ng isang post ng Bombo Radyo Cauayan ay nakumpirma niya na ang babaeng nasawi at walang pagkakakilanlan ay ang babaeng minsan nang napadpad sa kanila at kinupkop niya noong March 15, 2024.
Aniya, nakumpirma niya ito sa pamamagitan ng mga gamit na dala-dala nito dahil nilabhan niya ang mga ito bago ito umalis sa kanilang bahay.
Kinumkop nila ang babae nang makita ng kanyang kapatid na palakad-lakad sa irrigation canal sa bahagi ng Alicia, Isbela.
Batay sa pakikipag-usap niya sa babae, ang pangalan umano niya ay Marissa Bobis na mula sa Bicol Region at dalawang buwan na siyang palakad-lakad lang sa kalsada.
Hinahanap umano niya ang anak niya na si Irish Bobis.
Ipinasakamay nila noon ang babae sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at himpilan ng pulisya subalit makalipas ang ilang araw ay nabalitaan na lamang nila na may naaksidente na tugma sa kanilang una nang kinupkop.