CAUAYAN CITY – Arestado ang tatlong kabataan sa Bambang, Nueva Vizcaya dahil sa pangangarnap ng motorsiklo at pagnanakaw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office na nakipag-ugnayan ang mga suspek sa isang bar at nakainuman nila ang biktima.
Nang pauwi na ang biktima ay nagpumilit ang isang suspek na siya na ang magmaneho sa motorsiklo nito at dahil sa kalasingan ay pumayag ang biktima na umangkas na lamang at may sumakay pa na isang suspek.
Mula sa bar ay dumiretso sila sa water refilling station na pagmamay-ari ng biktima at doon ay ninakawan pa siya ng P5,000.
Pinutol din nila ang internet cable para hindi makapagsumbong agad ang biktima.
Umalis aniya ang mga suspek sakay na ng motorsiklo ng biktima.
Matapos maipaalam ng biktima ang pangyayari sa pulisya ay agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na pare-parehong edad 16.
Ayon kay PMaj. Villar, kakilala rin ng biktima ang mga suspek at hindi rin sila umalis sa kanilang bahay kaya agad silang naaresto.
Aniya, kakasuhan sana ng carnapping at pagnanakaw ang mga pinaghihinalaan subalit nagkasundo ang panig ng biktima at ng pamilya ng mga suspek na huwag nang ituloy ang pagsasampa ng kaso.
Payo ng pulisya sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak para hindi malihis ng landas at magkaroon ng open communication at pakinggan ang kanilang hinaing para hindi sila maghanap ng ibang kalinga.
Tinig ni PMaj. Jolly Villar.