CAUAYAN CITY – Pabor ang dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines na si Atty. Domingo Cayosa sa inilabas ni Pangulong Bongbong Marcos na Executive Order No. 56 na nagreregulate sa pagpapalabas ng protocol license plates sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ang Executive Order No. 56 ay susog ng Executive Order No. 400, na dati ay kasama ang mga hukom ng regional trial court o RTC sa listahan ng mga awtorisadong opisyal ng pamahalaan na maaaring gumamit ng mga protocol plate.
Inalis ng bagong Executive Order ang Number 16 sa listahan ng mga protocol plate na pinapayagang gamitin ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ang numerong ito ay ibinibigay dati sa mga hukom ng regional trial court o RTC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Cayosa na maganda ang inilabas na Executive Order No. 56 para mabawasan ang feeling of entitlement ng ibang opisyal ng pamahalaan.
Noong panahon aniya ni dating pangulong Noynoy Aquino ay hindi lamang ang mga huwes ang pinagbawalan ng mga government protocol plates kundi maging siya mismo ay hindi ito ginamit.
Para kay Atty. Cayosa ay hindi naman talaga kailangan ng mga hukom at iba pa ang protocol plates.
Giit ni Atty. Cayosa, dapat ang tingin ng mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang posisyon ay hindi position ng kapangyarihan o authority kundi position ng pagseserbisyo.
Maganda rin aniya na maghigpit sa mga ganitong panuntunan lalo na sa mga wangwang dahil naaabuso ito kahit wala namang emergency.
Pabor din siya na dapat kung mas mataas ang position ng lumabag ay mas matindi rin ang parusang ipapataw.
Hindi naman siya pabor na higpitan na lamang ang pagpapatupad ng naturang Executive Order dahil pwede aniyang ma-bully ang mga traffic enforcers at masasayang lang ang kanilang oras sa kakahabol sa mga protocol license plates para sa kanilang paliwanag.
Sa halip aniya na higpitan ay self discipiline na lamang ang mangibabaw.