CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang DOST-PAGASA Echague sa publiko kaugnay sa nararanasang mainit na panahon sa Isabela.
Matatandaang naitala sa Lalawigan ng Isabela ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o DOST-PAGASA Echague Isabela ang pinakamataas na maximum air temperature kahapon na 40 degreee celcius habang pumalo sa 42 degree celcius ang heat index.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng DOST PAGASA Echague Isabela, sinabi niya na magkakaiba ang naitalang heat index kahapon subalit aasahang mas makakapagtala ng mas mataas na temperatura ang mga lugar na malapit sa karagatan.
Babala pa ng weather bureau na magtatagal ang mataas na temperatura sa Lalawigan dahil wala pa ring nararanasang pag-ulan sa buong Lambak ng Cagayan at noong Marso 28 pa ng huling makaranas ng pag-ulan.
Pinaalalahanan niya ang publiko na panatilihing hydrated ang katawan sa pamamagitan ng laging pag-inom ng tubig at paggamit ng pananggalang sa init ng araw tulad ng payong kung hindi maiwasang lumabas ng bahay.