--Ads--

CAUAYAN CITY – Humingi ng tulong ang pamilyang nasunugan ng bahay at sasakyan sa Sindon Bayabo, City of Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jocelyn Bumanglag, may-ari ng isa sa nasunog na bahay, sinabi niya na wala sila sa kanilang bahay nang mangyari ang sunog.

Nadatnan na lamang nila ang kanilang sasakyan na nasusunog na at kumakalat na sa kanilang bahay.

Bagamat nagtulung-tulong ang kanilang mga kapitbahay sa pagsaboy ng tubig ay hindi na naagapan pa ang sunog na tumupok sa dalawang magkalapit na bahay at isang van.

--Ads--

Dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy ay halos wala silang naisalba sa kanilang gamit maging mga damit kaya humingi sila ng tulong.

Aniya, kung susumahin nasa 1.8 milyon pesos ang halaga ng pinsala ng sunog dahil nasunog din ang kanilang pinamiling binhi ng mais at maging ang kanilang sasakyan ay nadamay din.

Hindi pa naman aniya malaman ng Bureau of Fire Protection (BFP) City of Ilagan kung ano ang naging sanhi ng sunog dahil wala naman silang appliances na nakasaksak dahil wala sila sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Pansamantala namang tumutuloy ang pamilya sa bahay ng kanilang magulang at problema nila ngayon ang mga damit at iba pang pangangailangan kaya humingi sila ng tulong sa mabubuting loob.